Monday, December 10, 2007

palipat-lipat

isa ako sa mga Pilipinong napipikon sa mga kapwa Pilipinong umaalis ng Pilipinas para manirahan sa ibang bansa. Kahit hindi pa ako nakararating sa ibang bansa, para bang mabuburyong ako kung saka-sakaling patirahin ako sa isang bansang banyaga. Hindi ko alam kung bakit, pero parang ang pakiramdam ko parang nakadikit na sa akin ang pamumuhay sa Pilipinas at buhay Pilipino. Marami ngang nagsasabi sa akin na maypagkanasynalistiko at makabayan ang aking pagkatao, sumasang-ayon naman ako. Una, nasa wikang Filipino ang aking blog at pangalawa, hindi ako makatulog noong natalo si Pacquiao kay Morales.

Para ba kasing ang saya-saya rito. Narito ang karamihan sa mga kaibigan ko at mga kapamilya ko. Wala akong kakilalang kapamilya na naninirahan sa ibang bansa pero may mga ilang kaibigang pamilya ang kakilala kong nakatira na sa Australia at Canada. At pagkatapos nilang manatili roon ng ilang araw, mangingiyakngiyak silang nagnanais na makabalik at manirahan mula rito sa Pilipinas.

Bakit nga ba nila gustung-gustong lumipat ng ibang bansa lalo na sa mga 1st world countries katulad ng Estados Unidos. Madalas na sagot ang napipikon na ang ilang Pinoy sa pamamalakad ng pamahalaan natin dahil sa corruption at katiwalian. Padagdag nang padagdag ang krimen at palagi na ring nababalita ang pangit na imahe ng mga Pilipino na tamad at walang pagpapahalaga sa edukasyon. Isa pa ang hindi mapigil na pagtaas ng mga bilihin at pagkulang ng mga bakanteng trabaho. Sadyang mahirap nga ang buhay sa Pilipinas kaya ang hirap pa ring isipin na nakangingiti pa rin ang isang Pinoy sa kabila ng lahat ng ito.

Pero kung ako ang tatanungin...ayokong umalis ng bansa. para mag-aral, pupuwede pa. Pero ang manirahan...hindi talaga.

***

Naaasar ako paminsan kapag pumupunta kami sa bahay ng lola ko. Ang gulu-gulo kasi doon at labu-labo na ang mga tricycle doon. Ang kapal ng usok at ang dumi-dumi ng kapaligiran. Hindi ko alam kung paano natitiis ng lola ko ang manirahan doon. Kaya ako, kapag alam kong pupunta kami sa lola ko, ayaw na ayaw kong ako ang magmamaneho ng kotse.

Naiinis talaga ako dahil kaya naman ng lola ko na lumipat ng matitirhan na mas maayos sa lugar na iyon. Ang kinapipikon ko pa, palagi pa niyang pinupuna ang mga tao roon na walang disiplina at walang pakealam sa kapwa-tao. Hindi siya nagsasawang pumuna sa kanilang pagkakamali, gayung puwede na siyang umalis sa lugar na iyon at hindi na makasalamuha ang ibang tao.

Ilang beses ko na siyang diniretso na sana lumipat na siya ng ibang lugar na matitirhan. Pero doon pa rin niya gustong tumira. Tuwing nandito nga siya sa bahay namin, mas gusto pa niyang umuwi roon kaysa sa matulog ng ilang gabi rito. Hindi ko alam, ganoon siguro ang mga matatanda, hindi mo na malaman kung ano ang trip nila sa mga buhay-buhay nila.

Kung ako ang lola ko....lilipat ako sa ibang lugar. Bakit ko kailangan magtiis sa ganoong lugar kung kaya ko namang tumira sa isang lugar na mas maayos at mas malinis kumpara sa ligar na iyon.