Friday, September 26, 2008

family day

napakasaya ng mga family day noong nag-aaral pa lang ako sa highschool at gradeschool. nakakamiss na nga kasi walang family day sa college. ang mga kainan, parlor games, at dance number. naalala ko pa noon na nagpapractice pa kami ng Men In Black na sayaw nung grade 2 tas nakashades kaming lahat. nakakatuwa rin ang family day kasi yun yung mga panahon na papasok ka sa school na puwede ka pumorma o puwede ka namang nakapambahay lang.

ang badtrip lang pag family day, kailangan paunahin ang mga parents. buti na lang di sila mahilig kumain ng pizza kasi yun yung madalas nauubos kaagad. tapos ang sarap ng kainan habang may house music sa classroom. nagiiba yung anyo ng classroom kapag family day kasi nasa tabi yung mga lamesa, tas may malaking table sa gitna, may drums sa platform, tas may mga dekorasyon pa sa kisame o sa pintuan, at ang pinakapanigurado sa lahat may WELCOME PARENTS OF SECTION ___ sa blackboard na ginawa ng mga estudyante. tapos ang masaya pag family day kapag may magandang kapatid yung kaklase ninyo o may magandang nanay. parang sana palagi na lang family day para nandoon sila sa classroom ninyo. naalala ko nga nung highschool kami nagpapapicture pa kami sa ate ng kaklase namin. kung minsan naman puwedeng magdala ng chicks lalo na kapag higshcool kayo. ang masaklap lang sa klase namin...walang chicks. pero may ateng maganda naman.

ang masaklap lang kapag family day eh kapag kapatid mo yung may family day! Ang saklap ng pakiramdam. parang gusto mong maasar sa bawat tao na makita mo sa paligid. tuwang tuwa yung mga kaklase ng kapatid mo hindi ka naman makarelate sa kanila. kapag may mga video presentation, manonood ka pero sa isip-isip mo...sino ba yang mga yan??? ang mahirap pa kapag yung nanay mo game na game sa mga parlor games sa family day, mapipilitan ka pang maisali. ang saklap ng pakiramdam talaga. sigurado pag nagdala ka ng libro dun, sigurado di mo rin mababasa kasi maingay!

ang pinakamalupit na parte ng family day eh yung katapusan. kung yung mga magulang mo yung tipong tamad na magluto sa bahay kinabukasan, tingnan mo na yung mga tira-tirang pagkain kasi panigurado yun ang mga tanghalian mo bukas. ang dami daming tirang pagkain palagi, buti na lang naibibigday sa mga dyanitor at guard yung iba.

yung family day yung isang event sa paaralan na parang tradisyon na. ehwan ko lang kung may school na walang family day ha. pero ang sarap din isipin kung sino ang nagpasimuno ng family day. walang ya. pagkatapos kong maisip yun...ginoogle ko kaagad...walang lumabas. ehwan ko. kung sinuman kang hayup ka na nagimbento ng family day sa mga paaralan, mabuhay ka dahil hindi pa rin namamatay ang tradisyong sinumulan mo.

Sunday, June 22, 2008

sa buhol buhol mong dila...matuto kang magsalita ng inggles na may twang

kanina lang nagbabasa ako ng The Elements of Style ni Strunk and White. Nakatutuwang basahin ang libro dahil nakalagay ang ilang mga palaging nagagawang mali sa pagsusulat at pagsasalita ng wikang inggles. marami rin akong natutunan at sa palagay ko magagamit ko ang mga ilang alituntunin sa pagsusulat ko sa mga pormal na papel ko sa wikang inggles para sa aking pag-aaral.

Bakit nga ba nag-aaral ng inggles sa paaralan...

Gaya ng sinasabi ng lahat kakailanganin mo sa trabaho ang wikang inggles. Madali nga namang makipag "rub shoulders" sa mga amo mong banyaga kung marunong kang maginggles. di ka nila maiiintindihan kapag nagsalita ka ng tagalog - kahit gaano mo pa katatas at kaginhawa mo nabigkas ang iyong mga salita. Sa wikang inggles din, sinasabi na ito ang nagpapadali sa Pilipinas upang makipagkumpitensya sa ibang bansa sa larangan ng ekonomiya. mas madali nga namang mapakiusapan na maglaan ng pera o magtayo ng negosyo ang mga negosyanteng banyaga rito sa Pilipinas kung nagsasalita ka ng inggles.

puwes tingin ko may mga ibang dahilan

ayaw nating mapahiya sa klase. kung sakaling nagkamali ka ng pagkakabigkas, o sa gramatika habang nagsasalita ng malakas sa klase nakakahiya ka nga naman. pagtatawanan ka at tatawagin kang barok. at pagkatapos ng klase masasabihan ka pa ng sabaw o bobo dahil lang "apol" ang bigkas mo sa apple at "ip" ang bigkas mo sa "if." at sa mga job interview makikipagtalastasan ka sa inggles sa nag-iinterview sayo. pero ang mga katrabaho mo at mga alalay siguradong tagalog ang pananalita naman. syempre masarap magyabang kung kaya mong magsalita ng inggles na maginhawa, pakiramdam mo ang tali-talino mo.

sa Pilipinas halatang pinangungunahan ng mga Pilipino ang wikang Inggles kumpara sa wikang Filipino. isang halimbawa sa LRT...

"next station, Araneta Center - Cubao. This train is up to Recto. Ang susunod na estasyon ay Araneta Center Cubao, ang tren na ito ay hanggang Recto."

mauuna ang wikang inggles kaysa sa wikang Filipino. Unang naririnig ng simpleng Pilipino ang wikang pangalawa sa kanyang pananalita o pangatlo pa nga minsan. Nakatutuwa ngang isipin na nagwiwikang inggles ang announcer gayong mga simpleng Pilipino lang naman ang sumasakay ng LRT.

at ang nakaiinis pa mali ang estruktura ng pangungusap ng wikang Filipino sa LRT. Hindi angkop ang paggamit ng "ay" sa mga pangungusap dahil sa wikang Filipino palaging panaguri ang mauuna kaysa sa paksa. kaya dapat ang sinasabi ng babae...

"Araneta center - Cubao ang susunod na estasyon, Hanggang Recto ang tren na ito."

bakit nga ba huli ang wikang Filipino sa LRT. Save the best for last siguro.

Ganoon din sa mga batas at paalala sa mga lansangan o sa mga establisyemento.

1. Two Garments at a time
2. Silence. This is a House of Prayer
3. No Parking
4. Using cellphones is prohibited inside the bank
5. Watch your step

Napapalibutan tayo ng wikang inggles sa ating mga patakaran. Kahit nga ang mga saligang batas natin sa pamahalaan Wikang Inggles e. Hindi ka puwedeng magsalita ng Filipino dahil may mga ilang nagsasalita ng Cebuano, Ilocano o Chabakano hindi ka maiintindihan kaya magwikang Inggles na lang. Kaya ako ang pinakagusto kong patakaran na nakita ko sa buong buhay ko

WALANG TAWIRAN. NAKAMAMATAY

ewan ko lang kung gusto mo pang tumawid kung ganyan na ang nakita mong karatula

Sa ATM din, Wikang Inggles o Taglish ang pagpipilian. sa Eroplano, wikang inggles ang gabay sa paggamit ng life jacket. Karamihan pa ng pelikulang Pilipino ngayon Wikang Inggles na rin...Now That I Have You, Got to Believe, A Love Story. Kahit ang wika sa Bb. Pilipinas, inggles. puwede naman gumamit ng translator kung saka-sakaling Ilocano, Cebuano o Chabakano lang talaga ang alam niyang pananalita.

Pabor ang lahat sa paggamit ng wikang inggles. Kahit ang mga kalahok sa Bb. Pilipinas.

Naalala ko noon may pinagtawanan ako dahil puro mali ang pormal na papel niya sa wikang Filipino. Sabi ko naman sa isa kong kaibigan sa akin, ano naman ngayon magaling naman siyang magsalita ng inggles. ang sabi ko naman Pilipino siya, kaya marunong siya dapat magFilipino at yun ang higit na nakahihiya.

sabi nga ng guro ko, English is the Power Language. Makapangyarihan ang nakagagamit ng wikang inggles. Totoo. dahil sa mga nakaaangat marunong silang magsalita ng inggles. kahit ang mga burgis na matatalino matatas din sa wikang inggles. Ngunit bakit sinasabi nating English is the Power Language, bakit ang lakas maliitin ng mga Pilipino ang nagsasalita ng inggles sa mga call center.

eh ano ang wikang Filipino? para sa aking ang Wikang Filipino ang wika ng mapagkumbaba. Wala naman kasing nagsasabi na ang galing galing kong magsalita ng Tagalog. O magsalita sa wikang Ilocano o magsulat ng tula sa wikang Chabakano. Wala ka namang mapagyayabang talaga. Baka sabihan ka pa ng ilan na "ano ngayon?" Wala nga akong kilalang kumukuha ng Lit Fil sa paaralan. ang ate ko napilitang mag major ng history dahil wala siyang kasama nagmamajor ng Filipino.

Sa ganitong lagay ng karamihan, napakahirap ng maging idealistiko. Ang kailangan lang ang magkatrabaho at magkapera. At karamihan sa mga Pilipino, kayang ibato ang wika na nagsisilbing identidad ng kanilang pagkaPilipino. Siguro kung isang mahirap ang nasabihan ko sasabihin niya...
I
dentidad identidad, ampuuta...wala nang makain pamilya ko iisipin ko pa ba ang identidad na yan.

Oo nga naman.

Aral na rin ako ng french.



Saturday, June 21, 2008

habang bumabagyo

masarap sanang manood ng sine habang umuulan dahil wala ka namang magagawa sa labas. stuck ka sa loob ng bahay mo dahil sadyang delikado ang lumabas. at para sa taong katulad ko, gusto ko ang laging may ginagawa. ayokong nagsasayang ng oras at panahon. mas maganda kung may nagagawang makabuluhan o may natututunan na madadala mo sa pangmahabang panahon. hindi yung napapansin ko ang sarili ko na nakatunganga lang, naghihintay kung ano ang puwedeng mangyari. at sa wakas, nagkaroon din ng panahon na nasa bahay lang walang utos galing sa aking nanay o walang pupuntahan gaya ng eskuwela o walang gimik kasama ang mga kaibigan, mayroon na rin akong makapanood ng sine! o serye ng mga palabas gaya ng anime at ang tinatapos ko ngayon na Samurai X! Anak ng baka, saka nasira ang pinakagusto mong appliance sa bahay - ang dvd player. hindi naman gumagana sa computer mo ang mga piniratang cd. at wala kang magawa kundi tumunganga. naisip mong magbasa ng libro pero habang umuusad ka sa bawat titik na nakikita mo, ayaw mo na. nahihilo at bigla ka na lang nakatulog. at paggising mo, sayang sandali ka lang pala nakatulog dahil hindi ka naman napagod. nakabubuwiset.

sana tumila na lang ang ulan at sana magpasukan na.

kaya minsan ayoko ang walang pasok. mas lalo kong nararamdaman na wala akong nagagawang nakakaengganyo sa bahay.

Friday, June 06, 2008

kung nakatira ka sa metro manila o naglilibut-libot dahil may trabaho o dito ka nag-aaral, mapapansin mo siguro ang mga malalaking larawan ni Bayani Fernando sa mga highway kagaya ng Edsa, at Commonwealth. Nakatutuwa ang mga hakbang at proyekto ng MMDA upang linisin ang buong metro manila. Mayroon pa silang Metro Guwapito sa 2008 at Metro Guwapo sa 2010. May mga kasabihan pa katulad ng "Sa Kalinisan, Kahirapa'y Naiibsan," "Walang mabaho." at "Ag Pink Line ay para sa Tao." Nagdagsa na rin ang maraming bakod na bakal na kulay pink, mga malilit na isla para sa hintayan ng jeep at bus, mga kulay pink na overpass at waiting sheds at ang nirereklamo ng lahat ng driver ang mga U-turn slots na napapaloob sa mga napakatigas na mga batong kulay puti. Lalo pang dumalas ang mga pagpapaalis sa mga iskwater at mga road widening. Pinababa na rin ang karamihan sa mga billboards na nagiging delikado tuwing bumabagyo o humahangin ng malakas. at kung papansinin pa nang mas mabuti, mas dumami na rin ang mga tow-truck sa mga high way. Napakarami ngang mga maliliit na hakbang ang ginagawa ng MMDA upang maisaayos ang buong Metro Manila.

Pero siyempre, marami ring naaasar kay BF dahil sa mga pinagagagawa niya sa Metro Manila. Reklamo ng maraming mamamayan ang mga nakabubuwiset na U-Turn Slots. Napakarami ng mga aksidenteng-pansasakyan ang naganap dahil nabangga ang mga nakaharang o mas sinasabi pang nakahambalang na mga napakakapal na mga bato para mapadali ang mga nag UUTURN. isa pa ang kinaiinisan ng mga mahihirap na pinagbabawalan silang magtinda-tinda sa mga lansangan. yun na nga lang ang ikinabubuhay nila, ipagdadamot pa sa kanila. at ang mga sinasagaan ng road widening. di na raw nila malaman kung saan pa sila titira. At bakit daw nawala ang mga bubong sa mga overpass, paano kung umulan nang malakas...mahihirapan ang kahit sinong nagcocommute na magpatuloy sa paglalakad.

ganumpaman, may mga sagot pa rin ang MMDA kung bakit nila ginagawa ang mga hakbang na ito. Ang U-turn slots daw ang paraan upang mabawasan ang traffic. sa ganitong paraan di na titigil ang mga sasakyan sa gitna ng intersection at mababawasan ang mga di nagbibigayan sa intersections na walang stop light. sa mga harang bato naman...kadalasan naman sa mga aksidenteng nangyayari ay sa gabi nagaganap at nakainom o masyadong mabilis magpatakbo ng sasakyan ang nakabangga. sabi naman ng MMDA ang sinumang gustong magtayo ng negosyo ay dapat kumuha ng permit sa lokal na pamahalaan para makapagtinda, at sa batas talagang bawal ang pagtitinda sa mga lansangan. ang pagtanggal ng bubong sa mga overpass ay isa raw paraan upang makita ng mga motorista kung sakaling may magaganap na holdapan sa overpass. kitang kita nga naman kung may holdapang nangyayari mula sa high way kung walang bubong ang overpass.

at magkakasagutan na naman ang dalawang panig. at kakalat lang ang mga larawan ni BF sa mga highway.

si BF na nga yata ang hari ng METRO MANILA e.

pero kung titingnan, may kredibilidad naman ang mga hakbang na ginagawa ni BF kung babalikan ang pagiging mayor niya sa Marikina. Ang Marikina ang kinikilala bilang pinakamalinis na syudad sa buong Metro Manila o sa Pilipinas pa nga yata e. Disiplinado ang mga tao. wala kang makikitang bigla na lang tatawid sa highway. (WALA PA AKONG NAKIKITANG TUMAWID SA MARCOS HIGHWAY) wala masyadong vendors sa lansangan kung meron man, mga vendors na naglalakad. mga takatak, nagtitinda ng mani o pinya. o mga naglalakad na nagtitinda ng diyaryo. onti nga lang ang mga ganito sa marikina e. napakalinis wala kang makikitang mga basurang nakakumpol sa isang lansangan. napakalinis talaga. at napakadali ang mga pagpoproseso sa mga papeles sa kanilang lokal na pamahalaan. Bago pa mag ZTE-broadband deal ang Malacanang, Online na ang pamahalaan ng Marikina. Hanggang mga barangay pa yan. Kaya madali na ang pagkuha ng mga business permit, building permit at kung anu-ano pa. Kaya di mo rin masasabing hindi epektibo ang mga ginagawang hakbang ni BF, dahil ayon nga sa kanya ang mga hakbang na ginawa niya sa Marikina ay ang mga ginagawa rin niya sa buong Metro Manila bilang MMDA Chairman.

Kaya magpapatuloy ang pagmamaneho natin sa mga kalye na tumitingala sa mga larawan ni BF na nakaangas ang tingin.

Sunday, June 01, 2008

para sa taong nasa ilalim ng kama ko

tatlong beses akong iniwan ng taong ito. una yung unang araw sa grade school fair. yung pangalawa yung sa morning jogging routine natin na hindi ka sumama dahil nakita mo ang crush mong teacher at ngayon na kinasal ka na at wala na akong kasama sa kuwarto ko.

enjoy naman na malaki na ang cabinet ko. wala ng gumagawa ng paper kapag gusto ko nang matulog. wala na rin ang mga tambak na papel at libro sa sahig. nakalulungkot din dahil wala na akong kakuwentuhan kapag hindi pa ako makatulog. wala ng magyayaya ng basketball sa umaga pagkagising at wala na ring magrereklamo sa pagkalakas-lakas kong alarm clock.

kahit anupaman, masaya ako na nakapag-asawa ka na at papasok ka na sa panibagong lifestyle ng buhay. sinunod mo na rin ang laging pangaral ni nanay.

Good luck and God Bless.

Be a good father and good husband for your new family.

Wednesday, May 21, 2008

gasoline

umalis ako ng bahay gamit ang kotse. huminto sa shell para magpagasolina at pagkuha ko ng wallet ko nag mura muna ako ng malakas. P********G***NA!!!!! ang mahal na ng gasolina!!!! at wala na akong magawa kundi ang tumunganga sa windshield habang nasa tabi ko na ang malaking ngiti ng gasoline boy at nagtatanong pa ng "boss, v-power? full tank?"

tunay ngang nauubos na ang gasolina sa mundo kaya naman nagiging mahal na ang bawat patak nito at patuloy pa rin ang gera at agawan sa mga lupang sagana sa gasolina. may mga iba namang scientist na nangangahas makaimbento ng sasakyan na hindi gasolina ang magpapatakbo. may iba na gusto ulit bumalik sa mga sasakyang pinatatakbo ng steam, may iba namang LPG na ang gamit lalo na sa mga taxi, may mga iba naman na ang gamit na ang enerhiya galing sa sikat ng araw at marami pang iba. sabi nga ng nanay ko na sana tubig na lang ang nagpapatakbo sa kotse! kung ganun tiyak na magbubunyi ang mga gumagawa ng sasakyan at magkakaroon na rin ng gera dahil nag-aagawan ang lahat sa tubig.

sa kabilang banda, nagkakaroon na rin ng panawagan ang ilang mga tao na bumalik sa simpleng transportasyon gaya ng pagbibisikleta at paglalakad. kaso paano naman kung matanda ka ng mahina ang tuhod at di mo na kayang maglakad o magbisikleta ng malayo.

ang iba naman sabay sabay na ang lahat kapag gumagamit ng kotse. kung mga alas diyes pa ang pasok mo, sumabay ka na sa mga kapatid mong may pasok ng alas siete para menos sa gasolina. yung iba naman nagcacarpool yung iba naman nagcocommute kahit may kotse naman, yung iba naman ayaw na lang nilang umalis ng bahay.

napansin ko nga na nabawasan na rin ang mga kotseng modified o nakaset-up at hindi na ganoon kadalas ang mga nagpapatakbo ng matulin. wala na rin akong nababalitaan tungkol sa drag racing.

sabi ng isang kasamahan ko sa organisasyon ko sa school, projected price ng gasolina pagdating ng september ay 64 pesos.

sa susunod nga na magpapagasolina ko, babatukan ko na yung gasoline boy na magsasabi sa akin ng "v-power? full tank?"

Wednesday, April 23, 2008

depende sa tao

di man natin napapansin ngunit palagi nating nasasabi ang katagang "depende sa tao." lalo na kung may gusto kang patunayan na punto o kaya naman gusto mong magbigay ng advice sa isang kaibigan. halimbawa kapag sinasabi natin na hindi lang naman edukayson at kung saan ka nag-aaral ang magiging batayan ng pagkakaroon ng magandang trabaho, sa huli sinasabi natin na "Depende pa rin sa tao" ang ating isasagot. Tama nga na ang pagiging matagumpay sa buhay ay nakadepende pa rin sa tao batay sa kaniyang mga desisyon at hakbang. Nagtapos ka ng sa Harvard kaso lasinggero ka naman at puro tulog at kain lang inaatupag...di ka nga talaga magkakaroon ng magandang buhay. Isa pa, kunwari may isa kang kaibigan na nagtatanong ng mga ilang magandang paraan para mapasagot ang nililigawan niya. Maaari na magsabi ka ng mga ilang payo katulad ng "kaibiganin mo muna," "padalhan mo ng chocolates," "ayusin mo yung alulod ng bahay nila," "palitan mo ang lahat ng halaman ng nanay niya." Sasabihin pa rin natin na depende sa nililigawan mo kung ano ang tipo niyang lalaki o panliligaw na nais niya. depende pa rin sa kaniya, depende pa rin sa tao. nangangahulugan kaya na ang lahat ng problema ng tao ay mareresolba depende sa tao? O depende sa tao ang nararanasan niyang problema?

Nagsusummer classes ako ngayon sa fil14. masaya ang klase dahil masayang nagtuturo ang guro. may isang araw na bigla na lang may pumasok sa aming sili-aralan na ikinagalit ng guro namin. sabi ng teacher ko... "At bakit ka pumpasok sa klase ko ng walang paalam?" Walang maisagot ang estudyanteng bigla na lang pumasok. "Kung si Fr. Nebres ba ang nandito, papasok ka na lang nang basta-basta," dagdag pa ng guro ko. Medyo napapasigaw na nga siya. Hindi na makasagot ang estudyante dahil nakatingin na ang buong klase sa kaniya. "Nagagawa mo yan dahil ako lamang si Ariel Diccion, kaya ba hindi mo na kailangan magpaalam." Pinalabas ng guro ko ang estudyante at pinahintulan siyang pumasok sa klase basta magpapaalam na siya nang maayos. Mabait naman ang teacher ko pina sit-in na niya ang estudyanteng gustong pumasok sa klase namin.

Kung iisipin, totoo nga na itinatrato natin ang mga tao batay sa kanilang pangalan. Hindi nga kung gaano tayo kaclose sa kaniya o kung nangangailangan ba siya ng kalinga. Tinuturing natin ang tao batay sa kung "ano ba siya sa atin." o kung "ano ang kaya niyang gawin sa atin." gaya na lang ng estudyanteng namilit maki-sit-in, nagawa niyang hindi magpaalam dahil para sa kaniya di naman ganoon kahalaga si Ariel Diccion sa kaniyang buhay. Di niya kayang gawin kay fr. Nebres yun, kaya siyang patalsikin sa paaralan kung nananainisin lang niya. Noong highschool nga, nagkukuwentuhan lang ang klase namin sa isang teacher dahil napakabait niya at hindi talaga nagagalit. dahil hindi naman siya kilalang terror, nagagawa naming makipagkuwentuhan, naglilipatan pa nga ng silya pa-minsan. pero sa isang teacher namin na kilalang nagagalit, nagpapalabas ng estudyante sa classroom at talagang namamahiya. kawawa ka talaga kapag nag-ingay ka sa klase niya, kaya yun tahimik at nakikinig talaga kami sa gurong iyon.

Kung nagddrive ka sa Edsa at tumawid si Gloria? pararaanin mo ba? Eh ang taong grasa? Baka nga matripan mo pang sagasaan e? minsan nga nagtataka ako kung talaga bang gusto ng mga tao na pantay-pantay ang turingan ng bawat tao.

Kahit ako man, nagagawa ko rin yan. Sabihin natin na sa ibang babae nakakawili sa akin na makita silang nakamini shorts at nakasex bomb oufit. pero parang di ko ata mapapayagan ang ate ko na magsuot ng ganung damit. ate ko kasi siya e.

naniniwala na ako na ang tao ang nagpapatakbo ng mundo. dahil ang mga tao ang nakakapag-aral, nakakagawa ng batas, gumagamit ng likas-yaman, kumakatay ng manok, baboy, baka, kambing, nagpapatayo ng mga gusali, nagpapatag ng mga kalsada, nagtatanim, at kung anu-ano pa. Bakit naiiba ang fashion kada dekada? Bakit nalalaos ang walkman at nauuuso ang ipod? Bakit mukha ka ng gago pag maikli ang shorts mo kapag nagbabasketball na? Bakit parang ikaw na lang ang taong hinihintay ng lahat para magkamultply account? Dahil tao ang nagtatakada at ang may kakayahan na magawa ang lahat ng ito. Tingin ko naman walang baka na may friendster account na siya ang naglagay ng email at personal information niya. Kung walang tao, magmimistulang isang malaking gubat lamang ang mundo. Siguro sariwa ang hangin, at hindi pa ganoon katindi ang global warming...

Totoo nga kaya na ang mundo ay nakadepende sa tao? na ang ating pagkilos ay batay sa iba-ibang tao sa paligid? na ang pagtrato natin sa lahat ng klase ng tao ay batay sa kung sino siya para sa atin? na ang pag-iba ng mundo ay nakadepende kung paano ito gustong ibahin ng tao?

ano kaya kung pusa ako? Ang pangit nun, pede kang sipasipain ng kahit sinong tao...